VIGAN CITY – Natalakay umano sa nagpapatuloy na Farmer’s Summit sa Pasay City ang rabbit farming para sa mga backyard hograisers na apektado ng African swine fever (ASF) virus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, inamin ni Samahang Industriya ng Agrikultura Chairman Rosendo So na ipinatigil muna ang pagbibigay ng mga biik sa mga dati ng naapektuhan ng ASF pati na sa mga bagong naitalang kaso nito.
Ito’y dahil pinag-iisipan aniyang mabuti ng Department of Agriculture ang pagbibigay ng mga kuneho para sa mga apektado ng ASF bilang pansamantalang “alternative livelihood.”
Lumalabas kasi na mas madali alagaan ang mga kuneho dahil sa loob ng dalawang buwan ay maaari na itong ibenta at pagkakitaan.
Sa ngayon, mayroon nang rabbit farm na tinitingnan ang DA na siyang magsisilbing supplier ng ipapamigay na kuneho.