-- Advertisements --

VIGAN CITY – Inamin ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na hanggang sa ngayon ay wala pang katiyakan kung kailan mapupuksa ang pagkalat ng African swine fever (ASF) hangga’t walang natutuklasang bakuna laban sa nasabing sakit ng baboy.

Ito ay sa kabila ng kaliwa’t kanang paghihigpit sa mga quarantine checkpoints sa bansa dahil mayroon pa rin naman umanong mga nakakapuslit na mga pork products na maaaring magdulot ng ASF sa iba’t ibang panig ng bansa lalo na sa mga lalawigan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni SINAG Chairman Engr. Rosendo So, na inaasahan nila sa susunod na buwan ay mababawasan na ang mga alagang baboy na maaapektuhan ng ASF dahil iinit na ang panahon at gaganda na ang resistensiya ng mga baboy.

Naniniwala si So na nakadagdag ang malamig na panahon sa mabilis na pagkalat ng virus dahil nakakaapekto ang klima sa resistensiya ng mga alagang baboy lalo na ang mga inaalagan ng mga backyard hog raisers.