GENERAL SANTOS CITY – Ibinunyag ni Agriculture Sec. William Dar na nagmula sa bayan ng Sulop, Davao del Sur ang African Swine Fever (ASF) na dumapo sa mga baboy sa lungsod ng Koronadal.
Ayon kay Dar, ito raw ay base sa rebelasyon ng isang negosyante sa Koronadal na bumili ng baboy sa Sulop noong buwan ng Disyembre at dinala sa nasabing lungsod.
Sa naturang mga buwan, may iilan nang kinatay na baboy dahil nagkasakit ang mga ito subalit hindi ipinabatid sa Municipal Vetirinary Office.
Duda ang opisyal na nagsimula na noon ang ASF subalit kalaunan ay marami nang baboy ang namatay kaya naalarma ang mga residente.
Doon na raw nila nalaman na may kumalat nang ASF sa bayan ng Don Marcelino, Davao Occidental na karatig probinsya ng Davao del Sur.
Tiniyak din ni Dar na hindi makakapasok sa lungsod ng General Santos ang ASF dahil sa umiiral na total lockdown.
Nitong Sabado ng umaga ay binisita ni Dar ang fish port complex ng siyudad ng GenSan para makita ang ipinagmamalaki nitong tuna industry.