-- Advertisements --

VIGAN CITY – Aminado ang Bureau of Animal Industry (BAI) na hindi na lamang simpleng “viral challenge” ang isyu ng African Swine Fever (ASF) sa bansa kundi isa na umano itong “human challenge”.

Ito ay dahil sa marami umanong mga pasaway na backyard hograisers na nauna nang naapektuhan ng ASF ang kanilang mga alagang baboy ngunit mas piniling ilihim ito upang katayin at mapakinabangan pa sa pamamagitan ng pagbebenta ng karne ng baboy na naapektuhan ng ASF sa mga palengke.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni BAI Director Dr. Ronnie Domingo na natutuwa umano sila na sa ngayon ay nagkakaroon na ng national consciousness hinggil sa nasabing usapin.

Sa kabila nito, marami pa rin umanong mga pasaway na hograisers isama pa ang mga pasaway na hog traders na nagpapasok ng mga kontrabando sa mga lalawigan sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan kagaya na lamang ng paggamit ng mga pribadong sasakyan bilang courier at iba pa.

Ikinatuwa rin nito na wala pang naitatalang kaso ng ASF sa Visayas dahil sa mahigpit na quarantine checkpoints at kaliwa’t kanang pag-ban sa pagpasok ng mga kakataying baboy at iba’t ibang pork products.

Gayunman, nais nitong tiyakin ng mga local government units na hindi sila magkakaproblema sa suplay ng mga nasabing produkto sa kanilang lugar.