-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nasa 3,000 mga baboy mula sa dalawang barangay sa Calinan District, lungsod ng Davao ang nakatakdang sabay-sabay na patayin o isailalim sa culling procedure dahil sa nangyaring outbreak ng African Swine Fever (ASF).

Ito mismo ang napagdesisyunan ng konseho ng Davao City sa isinagawang special session.

Nabatid na nitong Biyernes ay inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Davao ang resolusyon na nagdedeklarang under state of calamity ang Barangay Lamanan at Dominga dahil sa outbreak ng ASF.

Ito ang nakitang agarang solusyon ng konseho upang mapigilan ang pagkalat nito sa iba pang mga lugar sa Davao Region at upang matulungan na rin ang mga apektadong hog raisers.

Sa kabilang banda, kinumpirma ni City Veterinarian Office (CVO) head Dr. Cerelyn Pinili na may nakita na silang area na maaaring gawing libingan ng nasa 3,000 baboy na papatayin.

Dagdag pa ni Pinili na mahalaga umano ang culling procedure upang masigurong hindi na kakalat pa ang nasabing disease sa ibang lugar.