Lalo pa umanong lumulubo ang kaso ng African swine fever outbreak sa bansang Vietnam.
Ito ay sa kabila ng naunang pag-appruba ng pamahalaan ng Vietnam sa dalawang bakuna kontra ASF, isang taon na ang nakakalipas.
Ang naturang mga bakuna ay ang kauna-unahan sa buong mundo na bakuna kontra sa mapaminsalang sakit ng mga baboy.
Una nang naglabas ng ilang dokumento ang pamahalaan ng Vietnam kung saan nakasaad dito ang pangamba na makaka-apekto sa domestic food supply, at consumer price ang posibleng paglawak pa ng naturang sakit.
Ngayong taon ay umabot na sa 42,400 ang mga apektadong baboy na kinailangang patayin sa Vietnam matapos matukoy na apektado nga ang mga ito ng ASF.
Ito ay halos limang beses na mas mataas kumpara sa mga isinailalim sa culling operations sa nakalipas na taon, sa kaparehong panahon.
Umabot na rin sa 660 outbreaks ang naitala ng naturang bansa ngayong taon habang noong nakalipas na taon ay umabot lamang sa 208 outbreak.
Kung matatandaan, una nang sinabi ng Department of Agriculture ng Pilipinas na mangagaling sa Vietnam ang bakuna kontra sa ASF na gagamitin para sa mass trial.
Pero giit ng DA, agad itong ipapatigil oras na magkaroon ng anumang problema.
Nitong nakalipas na taon, dati na ring nagbabala ang World Organization for Animal Health (WOAH) laban sa bakuna at iginiit na mas maraming testing pa ang kinakailangan.