-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Naideklara ang outbreak ng African Swine Fever (ASF) sa mga bayan ng Malibcong, Daguioman at Tineg sa lalawigan ng Abra.

Nakasaad sa Executive Order AP-03, series of 2021 na pinirmahan ni Governor Joy Bernos na dahil ito sa pagpositibo sa ASF ng mga samples mula sa mga alagang baboy mula sa Barangay Lat-ey at Barangay Pacgued sa bayan ng Malibcong at sa Barangay Cogon sa bayan ng Tineg noong nakaraang April 16.

Nagpositibo din sa ASF ng isang sample mula sa isang baboy-ramo na nagmula sa Tui sa bayan ng Dagiuoman.

Una nang nadiskubre ang pagpositibo sa ASF ng mga baboy-ramo mula sa mga samples na nakuha sa mga baboy-ramo na nahuli sa Comia-as Forest sa bayan ng Malibcong noong March 20, 2021.

Nakasaad pa sa Executive Order ang pagsasagawa ng mga quarantine measures gaya ng mass depopulation sa mga alagang baboy na nasa loob ng 500 meter radius sa mga apektadong lugar.

Dahil dito, nagsimula na ang pag-survey sa mga alagang baboy na isasailalim sa swine depopulation para maiwasan ang lalong pagkalat ng ASF sa Abra.

Iniya-apela pa ng provincial government ng Abra ang agarang pagreport ng mga hog raisers sa mga pagkamatay ng mga alaga nilang baboy.