LEGAZPI CITY – Nag-reactivate na ang Department of Agriculture (DA) ng African Swine Fever Task Force upang mapigilan ang pinangangambahang pagpasok ng nasabing sakit.
Nilinaw ni DA Bicol spokesperson Emily Bordado sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na wala pa namang kumpirmasyon mula sa central office kung may nakapasok nang kumpirmadong kaso nito subalit nagpatawag na ng meeting sa pagsasagawa ng kaukulang preventive measures.
Ayon kay Bordado, nakatakdang pang dalhin ang sample na mula sa Rizal patungong Spain upang matukoy kung ASF ang nagdulot ng pagkamatay ng mga baboy sa ilang barangay sa lalawigan.
Dito naman sa Bicol, pinaigting ang monitoring sa pagpasok ng mga karne at meat products sa mga inilatag na animal checkpoints.
Pinalakas rin ang kampanya na BABES o Ban Pork Imports mula sa mga bansa na may kumpirmadong kaso; Avoid swill feeding o pag-iwas sa pagpapakain ng leftovers; Block entry sa international ports; Educate sa mga tao at Submit samples para sa surveillance ng mga sintomas.
Napag-alaman na nasa Davao ngayon ang mga DA officials upang pag-usapan ang ilan pang hakbang sa nasabing isyu.