Nakaditine na sa National Bureau of Investigation (NBI) detention facility ang isang miyembro ng Abu Sayyaf group (ASG) matapos itong maaresto sa Culiat, Quezon City.
Ayon kay NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric Distor, ang suspek na si Albazir Abdulla alyas Abu Saif ay naaresto ng NBI-Counter Terrorism Division (NBI-CTD) sa operasyon sa Salam Compound sa naturang barangay.
Base sa impormasyon na natanggap ng NBI-CTD, namataan daw sa National Capital Region (NCR) si Abu Saif na sangkot sa 2001 Golden Harvest plantation kidnapping.
Nakilala umano ng victim-witness ang suspek sa CTD photo line-up na isa sa mga kidnappers na miyembro ng ASG.
Kung maalala noong taong 2001 nang inatake ng ASG na pinangunahan ng kanilang leader na si Isnilon Hapilon at iba pang senior ASG leaders ang Golden Harvest plantation sa Brgy. Tairan, Lantawan, Basilan province.
Niransak ng terrorist group ang mga suplay ng sari-sari stores sa lugar at mga bahay maging ang mga livestock at baril ng plantation security.
Sinunog pa ng grupo ang chapel sa naturang plantasyon at idinitine ang 14 plantation workers.
Dalawa sa mga ito ay pinugutan pa ng mga teroristang grupo.
Dahil dito, agad nagsagawa ng serye ng casing at surveillance operations ang NBI-CTD sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng mga ito sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi ni Distor na ang subject na si Abu Saif ay pangalawang miyembro ng teroristang grupo na naaresto ngayong taon.
Noong Mayo 7, 2021 nang naaresto si Wahab S. Jamal alyas Ustadz Halipa sa Maharlika Village sa Taguig.