Napatay ng tropa ng militar ang isang myembro ng Abu Sayaff Group sa kanilang inilunsad na raid operation sa Barangay Etub-Etub, Sumisip, Basilan Province nitong umaga.
Positibong kinilala ang napatay na si Hasid Salajim, alyas Boyron o Pilay na syang target ng operasyon.
Ayon kay Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr., pinaputukan umano ng subject ang operating teams dahilan na nagkaroon ng palitan ng putok na syang naging dahilan ng pagkasawi nito.
Napag-alaman na ang suspek ay myembro ng Abu Sayaff sa ilalim ng pamumuno ni Sub leader Pasil Bayali alyas Kera.
Narekober mula kay Salajim ang isang M16 rifle.
Samantala, ayon sa WestMinCom si Salajim na umano ang pangpitong Abu Sayaff na napatay nitong taon. Simula naman sa buwan ng Enero ay nasa 37 na ang naneutralize ng militar kung saan 28 ang sumuko at dalawa naman ang huli.