Patay ang isang miyembro ng teroristang Abu Sayyaf habang sugatan ang isa pang nahuli ngayon at kasalukuyang ginagamot sa isang pagamutan sa Jolo, Sulu.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Western Mindanao Command (WesMinCom) spokesperson Col. Gerry Besana, kaniyang sinabi na bandang alas-11:44 nitong Lunes ng umaga nang sumiklab ang labanan sa pagitan ng grupo ni ASG sub-leader Najir Aric at mga tropa ng Marine Battalion Landing Team-3 sa may Simusa Island, bayan ng Banguingui.
Tumanggi naman si Besana na kilalanin ang napatay na bandido at ang sugatan dahil ongoing pa ang opensiba laban sa teroristang grupo.
Wala namang naiulat na casualties sa hanay ng militay.
Binigyang-diin naman ni Besana na na-corner na ng militar ang teroristang grupo sa nasabing isla.
Dahil dito, ipinag-utos na rin ni Western Mindanao Command Commander, Lt Gen. Arnel Dela Vega na dagdagan ang puwersa ng sa gayon hind makatakas ang mga terorista na may bitbit na mga kidnap victims.
Ibinunyag pa ni Besana na pinipilit ng mga bandido na makatakas sa nasabing isla, maging ang ilan nilang mga kasamahan ay nagtatangka din na mag reinforce pero hindi magawa dahil sa pinalakas na naval blockade.