-- Advertisements --

basilan

Napatay ang isang miyembro ng Abu Sayyaf matapos maka-enkwentro ang mga tropa ng 101st Infantry Brigade at 18th Infantry Battalion sa Barangay Felang, Ungkaya Pukan, Basilan Province bandang alas-4 ng hapon kahapon.

Kinilala ni Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr. ang napatay na terrorista na si alyas Botak, na tauhan ng una nang napatay na ASG sub leader Furuji Indama.

Nakasakay si Botak sa motor na may dalawa pang kasama nang ma-intercept ng mga tropa, at nagkaroon ng 5 minutong palitan ng putok na ikinasawi ni botak.

Kasalukuyang tinutugis ng mga tropa ang dalawa pa nitong kasamahan na nakatakas matapos ang insidente.

Iniulat naman ni Joint Task Force Basilan Commander Col. Domingo Gobway, na narekober sa encounter site ang isang motor at M60 machine.