Patay ang isang miyembro ng teroristang Abu Sayyaf na sangkot sa gun smuggling activities sa ikinasang operasyon ng mga Pulis sa Sitio Buton, Barangay Kansipat, Panamao,Sulu, kahapon ng umaga.
Kinilala ni PNP Chief Gen. Debold Sinas ang napatay na suspek na si Wahid Sahid, active member ng ASG/Kidnap for Ransom Sulu-based group sa ilalim ni ASG Sub-Leader Almujir Yadah.
Ang grupo ni Yadah ay may kuneksiyon din sa ilang mga provate armed groups na nag-ooperate sa 2nd District ng Sulu.
Ayon kay Sinas, si Sahid ay sangkot sa smuggling ng mga armas na siyang nagbibigay o supplier ng mga high-powered firearms sa mga ASG/KFR sa Zamboanga City at Sulu.
Sa report ni PNP AKG-Director BGen. Jonnel Estomo kay PNP Chief ang operasyon sa Panamao ay joint operation ng PNP-AKG, Philippine Marines, at Regional Mobile Force Battalion at Panamao PNP.
Ayon kay Estomo bago pa ang operasyon, nakipag transaksiyon sila sa suspek para bumili ng armas pero habang papalapit ang mga tropa sa bahay ni Sahid pinaulanan niya ito ng bala gamit ang kaniyang M14 rifle.
Inihayag din ni Sinas, na may planong maglunsad ng kidnapping ang ASG lalo na at namonitor ang suspek sa Barangay Labuan, Zamboanga City nuong buwan ng January na siyang nagsilbing spotter kung sino ang posibleng maging target.
” The police operatives foiled possible kidnapping activity by Sahid as per order from his ASG Sub Leader Alumjir Yadaj,” wika ni Sinas.
Nakumpiska mula sa posisyon ni Sahid ang 1 M14 rifle; 1 M14 rifle na may naka insert na magazine at ammunition; 1 M14 rifle na walang magazine; 1 M4 Cal. 5.56mm may naka insert na short magazine at ammunition na may naka attached na M203 Grenade Launcher at dalawang 40mm ammunition.