-- Advertisements --

Hindi na nakabalik pa sa Sulu ang mga bandidong Abu Sayyaf na nagtungo sa siyudad ng Marawi para mag-reinforce sa mga teroristang Maute.

Sa panayam kay Joint Task Force-Sulu Commander B/Gen. Cirilito Sobejana, kaniyang sinabi na batay sa kanilang monitoring ay walang ASG (Abu Sayyaf Group) members mula Marawi ang nakabalik sa Sulu.

Pahayag ni Sobejana na mula sa 500 na puwersa ng ASG na kumikilos sa Sulu, nasa 400 na lamang ang mga ito matapos ang Marawi siege.

Aniya, may go signal na rin sila na ituloy ang kanilang opensiba laban sa ASG.

Tinukoy ni Sobejana na ang mga followers ni ASG sub-leader Hatib Sawadjaan ang siyang tumugon sa panawagan na mag-reinforce sa mga Maute Group.

Samantala, wala na umanong natatanggap na feeler ang militar para sa pagsuko ni ASG leader Radulan Sahiron.

Ayon kay Sobejana, nangangahulugan ito na hindi seryoso si Sahiron na sumuko sa pamahalaan.