Patay sa enkwentro ang isang Abu Sayyaf group (ASG) sub-leader matapos makaengkwentro ng militar sa Lantawan, Basilan.
Ayon kay 104th Brigade commander B/Gen. Fernando Reyeg, isisilbi sana ng mga tauhan ng Joint Task Force Sulu ang warrant of arrest laban kay Arod Wahing sa Barangay Parian Baunoh, subalit bumunot umano ito ng baril kaya pinaputukan ng mga otoridad.
Nakumpiska sa napatay na suspek ang kalibre .45 na baril.
Wala namang naitalang casualties sa hanay ng militar.
Arestado rin ang dalawang kasamahan ni Wahing.
Nakumpiska sa dalawa ang isang M1 grand rifle at isang granada.
Sinasabing si Wahing ay tauhan ni ASG leader Radulan Sahiron na nakabasi sa Sulu.
Isinasangkot din si Wahing sa pagdukot sa mag-asawang German sa Palawan noong 2014 at sa Dutch birdwatcher na si Ewold Horn noong taong 2012.
Ayon pa sa militar sangkot din daw ito sa ilang insidente ng pananambang at engkwentro sa Patikul, Indanan, Talipao, at sa Parang, Sulu.