KORONADAL CITY – Matutuloy pa rin ang mga aktibidad lalo na ang pagsasagawa ng misa sa mga simbahan na sakop ng Diocese of Marbel bukas kasabay ng Ash Wednesday o ang unang araw ng lent.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Fr. Angelo Buenavides, spokesperson at vicar general ng Diocese of Marbel, may ipapatupad na pagbabago ang Simbahang Katolika kaugnay sa ginagawang pagpahid ng abo sa noo ng mga nagsisimba.
Ayon kay Fr. Buenavides, sa halip na ipahid ito sa noo ng mananampalataya ay ibubudbod na lamang ito sa ulo kasabay ng pag-usal ng mga panalangin.
Ito ay batay sa nakasaad sa General Instruction of the Roman Missal na una na ring ipinalabas ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) bilang protective measure laban sa pagdami pa ng kaso ng coronavirus disease o COVID-19.
Maliban dito, hinimok din ng pari ang mga mananampalataya na mag-genuflect na lamang at mag-bow sa harapan ng krus sa halip na humalik o humawak pa dito.
Ang nasabing mga panuntunan mula sa CBCP ay ipapatupad sa mga gawain sa kuwaresma at semana santa bilang pag-iingat laban sa pagkalat ng COVID 19.