-- Advertisements --

Umabot na sa 60 barangay ang naapektuha sa malawakang ashfall, kasunod ng explosive eruption ng bulkang Kanlaon kahapon, Abril 8.

Batay sa record na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang mga pangunahing barangay na nakaranas ng ashfall ay pawang nasa palibot ng Mt. Kanlaon.

Mula sa 60 barangay, 24 barangay mula sa La Carlota City, La Castellana, Bago City, at Pontevedra, ang natukoy na dumanas ng light to heavy ashfall.

Ang ibang mga barangay ay nag-ulat din ng matapang na amoy ng asupre.

Maliban sa mga bumagsak na abo, naimonitor din ng ahensiya ang mga pyroclastic density current na bumagsak sa mga dalisdis ng bulkan, malaking porsyento ay natukoy sa timog na bahagi nito.

Sa kasalukuyan, hindi pa rin inaalis ng Phivolcs ang panibagong pagsabog ng bulkan, kasama na ang posibilidad ng mas malakas na pagsabog o ‘highly violent and powerful eruption’.

Sa kabilang ng malakas na pagsabog ng bulkan na umabot sa halos isang oras, nilinaw ni Science and research analyst Ferly Sianson ng Phivolcs na ang naganap na pagsabog ay isang minor explosive eruption.

Una nang naitala ang dalawang kahalintulad (minor) na pagsabog sa naturang bulkan noong Hunyo-3 at Disyembre-9 nitong nakalipas na taon.