-- Advertisements --

Umabot na ang ashfall o bumagsak na abo sa ilang lugar malapit sa Bulkang Kanlaon sa Negros Occidental matapos sumabog nitong umaga ng Martes, Abril 8 na nagtagal ng halos isang oras.

Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Teresito Bacolcol, ilan sa mga lugar na apektado ng ashfall ay sa Bago City, La Castellana, at La Carlota City na nakumpirmang nakapagtala na ng light ashfall.

Sa hiwalay na post ng DOST-PHIVOLCS nitong umaga, partikular na tinukoy ang Barangay Cubay, San Miguel, at La Granja sa La Carlota City na naapektuhan ng ashfall.

Ibinabala naman ng opisyal na mapanganib sa kalusugan ng tao sakaling malanghap ang ashfall na maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, ilong at lalamunan gayundin maaari itong makapagpalala sa mga may respiratory illness tulad ng asthma.

Pinayuhan naman ng non-government organization na Philippine Emergency Alerts Monitoring Center ang mga residente sa nasabing mga lugar na magsuot ng face mask para maiwasang malanghap ang abo mula sa bulkan.

Kung maaari, manatili na lamang sa loob ng bahay at isara ang lahat ng pintuan at bintana para hindi pumasok ang ashfall.