Walang naitalang anumang insidente ng maritime piracy sa mga katubigang sakop ng Asia sa kabuuan ng 2024.
Ito ay batay sa ulat ng Regional Cooperation Agreement on Combating Piracy and Armed Robbery against Ships in Asia Information Sharing Centre (ReCAAP ISC).
Sa isang pulong balitaan sa Manila, sinabi ni ReCAAP ISC executive director Krishnaswamy Natarajan na nagawa ng mga member-states na gawing maritime piracy-free ang buong rehiyon sa pamamagitan ng kooperasyon ng bawat isa.
Pinuri rin ni Natarajan ang Philippine Coast Guard (PCG) sa umano’y ‘kapuri-puring’ aksyon sa rehiyon.
Aniya, walang mga insidente ng abduction o kidnap for ransom sa crew ng mga barkong nagagawi sa Sulu-Celebes area, isa sa mga karagatang sinasaklaw ng Pilipinas.
Sa naturang period aniya, nanatiling ‘moderate low’ ang mga banta ng pangingidnap sa mga crew sa Sulu-Celebes Sea at karagatang sinasaklaw ng Eastern Sabah.
Nangangahulugan itong ‘napakababa’ ang posibilidad ng pangingidnap dahil sa walang kapabilidad ang mga perpetrator para magsagawa ng mga pag-atake.
Samantala, sa inilabas na Piracy and Armed Robbery Against Ships in Asia 2024 report ng naturang grupo, mayroong 107 ship robberies na nangyari sa kabuuan ng nakalipas na taon.
Ang mga ito ay naitala sa Straits of Malacca and Singapore (SOMS), Indonesia, Bangladesh, Philippines, India, Vietnam, at Malaysia.