Tututok sa pagpapakilala ng mga satellite, drone, at artificial intelligence (AI) ang isasagawang Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction ngayon taon.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, ipapakilala sa naturang conference ang paggamit ng mga bagong teknolohiya tulad ng AI at satellite sa pagtugon sa mga kalamidad.
Aniya, magsisilbing plataporma ang naturang conference upang mapalakas ang kolaborasyon ng bansa at ng iba pang mga bansa sa hangarin ng mga ito na mprotektahan ang publiko, ari-arian, at ang kalikasan mula sa mga kalamidad.
Nakatakda ang naturang conference mula Oct. 14 hanggang 18. Ito ay gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Ang Pilipinas ang napiling host ngayong taon, sa pakikipagtulungan ng United Nations Office for Disaster Risk Reduction (UNDRR)
Maliban sa mga kinatawan ng iba’t-ibang mga bansa, inaasahan ding dadalo rito ang mga international at national civil society organizations, private sector, science enthusiasts, akademya, at iba pang grupo mula sa Asia-Pacific Region.