LEGAZPI CITY- Tuloy-tuloy ang pagsabak ni Asian Open Figure Skating Champion Sofia Frank sa ilang international competitions bitbit ang watawat ng bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa Philippine figure skater, sinabi nito na isa sa mga pinaghahandaan niya ay ang target na pagsabak sa 2026 Winter Olympics na gaganapin sa Italy.
Kwento nito na ang pagsabak sa Olympics ang isa sa mga layunin niya simula noong sumabak siya sa skating sa edad na 3-anyos.
Dagdag pa si Sofia na itinuturing niyang isa sa pinakamagandang pasya na kanyang ginawa ay ang pagiging kinatawan ng Pilipinas dahil sa pagmamahal at suporta na ibinibigay ng mga Pilipino.
Matatandaan na una nang binigyan ng pagkilala ng Senado ang naturang atleta matapos makapagbigay ng karangalan para sa bansa at malagpasan ang Philippine record sa Figure Staking.
Samantala, pinayuhan nito ang mga aspiring athletes na ipagpatuloy lang ang pag-abot sa kanilang mga pangarap dahil balang-araw ay magtatagumpay din ang mga ito.
Iginiit rin nito ang kahalagaan ng pagpapanatiling malusog ng pisikal at mental na kalusugan upang mas maging maganda ang performance sa mga lalahukang kompetisyon.