-- Advertisements --

Matagumpay na naisagawa ng mga otoridad sa Myanmar ang kanilang tatlong-buwan na drug bust operation na nakasentro sa Lwe Kham village sa nasabing bansa kung saan 33 suspek ang naaresto.

Nasamsam ng mga otoridad ang halos 200 milyong methamphetamine tablets, mahigit 500 kilos crystal methamphetamine at 163,000 liters ng precursor chemicals na ginagamit sa paggawa ng iligal na droga.

Itinuturing ngayon ito bilang pinaka-malaking drug bust operation sa buong Asya sa loob ng isang dekada.

Ayon kay Jeremy Douglas, regional coordinator ng United Nations Office of Drugs and Crime (UNODC), tunay ngang kahanga-hanga ang ginawang ito ng Myanmar police.

Nakumpiska rin sa mga suspek ang halos 3,750 litro (990 gallons) ng liquid methyfentanyl na ginagamit naman para makagawa ng synthethic opioid tulad ng fentanyl.

Pinaniniwalaan naman na ito ang kauna-unahang beses na nakadiskubre ang mga otoridad ng ganito kalaking halaga ng fentanyl sa buong Southeast Asia.

Tulad ng United States ay dumadanas din ng opioid crisis ang Myanmar. Ang pagiging mabenta ng methamphetamine ang isa sa umano’y pinaka-malaking problema ng buong mundo.

Karamihan kasi ng mga sindikato ay tumigil na sa paggawa ng plant-based drugs tulad ng heroin na kinakailangan ng malaking lugar at naka-depende rin ito sa klima. Mas ninais na lang ng mga ito na gumawa ng mura at mabilisang synthetic drugs tuald ng methamphetamine.

Nagawa rin ng mga ito na paabutin ang kanilang produksyon hanggang Golden Triangle, ang border area kung saan makikita ang Thailand, Laos at Myanmar.

Tinaguriang “world’s biggest heroine-producing region” ang Golden Triangle at hanggang ngayon ay kilala pa rin ito dahil sa kawalan ng batas lalo na pagdating sa Myanmar.