BAHAMAS – Itinuturing na himala ng ilang rescuer ang pagkakaligtas ng isang aso mula sa gumuhong gusali dahil sa pananalasa ng Hurricane Dorian.
Ayon kay Chase Scott ng Big Dog Ranch Rescue, na-detect nila ito base sa infrared data na kuha ng kanilang drone.
Kwento pa ni Scott, hinang-hina na ang 1-year-old mixed breed na aso nang matagpuan nila sa ilalim ng mga natibag na istraktura at mga basag na salamin.
Sinasabing umasa lamang sa tubig ulan ang “miracle dog,” kaya hinang-hina na ito at sobrang payat nang makuha ng rescuers.
Matatandaang marami ang nasawing tao sa Bahamas nang manalasa ang bagyo at maraming iba pa ang nawawala hanggang ngayon.
Sa data naman ng Big Dog Ranch Rescue, umaabot na sa 139 ang nasaklolohan nilang aso at ang ilan ay naibalik na sa may-ari ng mga ito. (CNN)