KALIBO, Aklan – Upang makatulong sa kapwa ang pinakadahilan ng Persons With Disabilities (PWD) Association sa bayan ng Numancia, Aklan kaya nakiisa sa isinagawang mass blood donation ng lokal na pamahalaan ng nasabing bayan at Aklan Blood Bank sa pakikipagtulungan ng Bombo Radyo Kalibo.
Ayon kay Mark Janis Salvilla, presidente ng PWD association sa kabila ng kani-kanilang kapansanan, nararamdaman ng mga kasamang blood donors ang pangangailangan ng kanilang mga kababayan dahilan na kumilos sila upang makatulong sa paraan na kanilang nalalaman.
Umaasa si Salvilla na ang kanilang hakbang ay gagayahin rin ng iba pang mga PWD association sa iba pang bayan.
Ito aniya ang kauna-unahang pagkakataon na nakiisa ang asosasyon ng PWDs sa isang blood letting campaign.
Samantala, umaabot sa 38 bags ng dugo ang kanilang nalikom na ibinigay sa Aklan Blood Bank.
Nauna dito, sinabi ng blood bank at Philippine Red Cross (PRC) Aklan chapter na dahil sa banta ng COVID-19, walang masyadong nagdo-donate ng dugo at maraming blood donation ang na-postpone dahil sa community quarantine.
Ang mga successful blood donor ay nakatanggap ng souvenir na Dugong Bombo t-shirt at vitamins mula sa Bombo Radyo Philippines at Star FM.
Maliban dito, nagbigay rin ng multivitamins ang LGU-Numancia at 10 kilo ng bigas, merienda, perang pamasahe at face shield.