CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang isang aspirant Barangay Kapitan matapos na masamsaman ng granada sa bahay nito sa Sta. Maria, Cauayan City.
Ang naaresto ay si dating Barangay Kapitan Diego Agbayani, 55-anyos, magsasaka at residente ng naturang barangay.
Batay sa Cauayan City Police Station, nadakip si Agbayani matapos magpositibo ang pagsisilbi ng search warrant sa kanyang bahay.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa akusado, itinanggi nito na sa kaniya ang nakuhang granada sa ilalim ng kanilang hagdan na nakabalot ng facemask.
Si Agbayani ay naging Punong Barangay ng dalawang termino ng Sta. Maria taong 2001 hanggang 2010 subalit sa kanyang ikatlong termino ay hindi na tumakbo.
Sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Election ay muli siyang naghain ng kaniyang Certificate of Candidacy sa pagkabarangay Kapitan.
Samantala inihayag ni PLt.Col. Ernesto Nebalasca Jr., sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan na hindi maiututring na election related crime ang pagkakadakip sa dating barangay kapitan dahil matagal na umano nila itong binabantayan.
Aniya, ang pagsisilbi ng search warrant laban kay Agbayani ay suportado ng ilang intelligence report.
Binigyang linaw din niya na gumamit sila ng body worn camera sa pagsasagawa ng operasyon kasama ang ilang saksi at mismong kaanak rin ni Agbayani.
Sa ngayon ay inaalam pa nila kung bakit nag-iingat ng granada ang dating barangay kapitan dahil posible namang matagal na niya itong itinatago.
Pinawi rin niya ang pangamba ng publiko at nilinaw na wala itong kinalaman sa halalan.