Kinilala na rin ng Federal Bureau of Investigation ang gunman na namaril kay dating US President Donald Trump sa State of Pennsylvania kahapon.
Ang suspek ay kinilalang si Thomas Matthew Crooks, 20 anyos, residente ng Bethel Park, Pennsylvania, USA.
Siya ay isang nursing-home employee at nagta-trabaho bilang dietary aid at tagapaghanda ng pagkain.
Nagtapos si Crooks sa Bethel Park High School noong 2022.
Ayon sa isa sa mga naging schoolmate niya na kinilalang si Jason Kohler, siya ay dumanas ng pambubuly noong high school at kadalasang mag-isang kumakain.
Kinukutya rin umano siya sa paraan ng kanyang pananamit na kadalasang gumagamit ng hunting outfit.
Batay sa inilabas na resulta ng inisyal na imbestigasyon ng US Secret Service, si Crooks ay rehistrado bilang isang Republican at pinaniniwalaang kumilos mag-isa nang isinagawa ang pamamaril.
Lumalabas na maka-ilang beses na ring nakita ng mga witness ang naturang suspek at ini-ulat sa pulisya ang kaniyang mga kahina-hilang ginagawa.
Ayon sa Butler Police, ilang mga report ukol sa ‘suspicious activity’ na ang kanilang nirespondehan, kabilang na ng ulat ukol kay Crooks.
Pinaniniwalaang gumamit si Crooks ng isang AR-style rifle sa kaniyang pamamaril.
Ang AR-15 ay isang semi-automatic rifle.
Gumagamit ang AR-15 ng high-velocity bullets na nagagawang lumipad nang napakabilis at ito ay triple pa sa bilis ng isang handgun/pistol.
Isa sa mga katangian ng naturang baril ay ang pagiging accurate nito sa kabila ng malalayong distansiya. Ang bubungan kung saan pinaniniwalaang ipinutok ni Crook ang kanyang baril ay kulang-kulang 150 meters mula sa podium kung saan nakatayo si Trump.
Ang 150 meters ay siya ring distansya na ginagamit sa markmanship training ng mga US Army recruit para mabigyan sila ng M-16 rifle.
Nakarekober din ang mga law enforcers ng mga bombo-making materials sa loob ng sasakyan ni Crook.
Samantala, kasabay ng assassination attemp kay Trump ay nabaril din ang ilan pang katao, na nagdulot ng pagkamatay ng isang indibidwal at pagiging kritikal ng dalawang iba pa.
Ang namatay ay kinilalang si Corey Comperatore, 50 anyos, at isang volunteer firefighter.
Pinaniniwalaang iniharang niya ang kanyang katawan para protektahan ang pamilya nang mangyari ang pamamaril.
Ang dalawang kritikal ay kinilalang sina David Dutch, 57 anyos, at James Copenhaver, 74 anyos na kapwa nakatira sa Pittsburgh.
Bagaman unang naiulat ang pagiging kritikal ng kanilang kondisyon, sinabi ng local police na nasa stable na ang kanilang kalagayan.