-- Advertisements --

Ibinasura ng Quezon City Prosecutor’s Office ang assault complaint na inihain ng QC Police District laban kay VP Sara Duterte may kinalaman sa paglilipat ng ospital sa kaniyang aide na si Office of the Vice President (OVP) chief of staff Zuleika Lopez noong Nobiyembre 23, 2024.

Inakusahan ng QC Police District si VP Sara, ang head ng kaniyang security detail at iba pa ng direct assault, disobedience to authority at grave coercion sa kasagsagan ng umano’y pwersahang paglilipat kay Atty. Zuleika sa isang pribadong ospital.

Ayon sa kapulisan, makikita ang mga video na pisikal na sinaktan ng security head ni VP Sara na si Army Col. Raymund Dante Lachica ang isang police director.

Matatandaan na ipinag-utos noon ang pagdetine kay Atty. Lopez sa House of Representatives matapos ma-cite in contempt dahil sa kaniyang umano’y “undue interference” sa imbestigasyon ng House Congressional Committee on Good Government and Public Accountability sa paggamit ng confidential funds ng OVP.

Subalit nagkasakit ito nang ipaalam ang paglilipat sa kaniya sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong city mula sa detention facility ng House of Representatives. Nagkaroon naman ng standoff matapos harangin ni VP Sara ang paglipat ng kaniyang chief of staff na si Atty. Lopez.