VIGAN CITY – Hindi pa umano nagpapadala ng tulong sa mga naapektuhang magsasaka at mangingisda sa pag-aalburuto ng Taal Volcano ang Senate committee on agriculture and food dahil sa kasalukuyang sitwasyon sa lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Sen. Cynthia Villar sa pakikibahagi nito sa Longganisa Festival ng Vigan City, sinabi nito na hinihintay pa umano nila ang kabuuang damage assessment sa sector ng agrikultura bago sila magpadala ng tulong sa mga magsasaka at mangingisdang labis na naapektuhan ng phreatic eruption ng bulkan.
Ito ay upang matiyak na maibibigay nila ang eksaktong tulong na kailangan ng mga ito upang makabangon sa kanilang mga naapektuhang pangkabuhayan.
Sa ngayon, ang mga residenteng pansamantalang nananatili sa mga evacuation areas sa Batangas ang binibigyan muna nila ng ayuda kagaya na lamang ng mga food at non-food items na kanilang kailangan.