Pina-freeze na ng Anti-Money Laundering Council ang lahat ng asset ni suspended Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. matapos siyang ideklara bilang terorista ng Anti-Terrorism Council (ATC).
Ayon kay AMLC legal officer Luis Anthony Warren,ang inisyung freeze order ng konseho ay base sa ilalim ng Section 5 ng Anti-Terrorism Act in relation to Section 36.
Nakasaad dito na matapos maisama sa listahan ng terorista ang isang indibidwal o organisasyon nasa kamay na ng Anti-Money Laundering na mag-isyu ng ex parte order para i-freeze nang walang pagkaantala ang mga ari-arian ng mga subject sa kaso.
Nilinaw naman ng ng Anti-Terrorism Council na si Cong. Teves lamang at iba pang indibidwal na nakalagay sa naturang resolusyon ang naka-freeze ang accounts o assets epektibo kahapon, Agosto 1 at hindi kasama dito ang kanilang pamilya
Kung maaalala, nitong Martes, ti-nag ang suspendidong mambabatas kasama ang kaniyang kapatid na si dating Negros Oriental Gov. Pryde Henry Teves at 11 iba pa bilang terorista dahil sa serye ng umano’y pagpatay at harassment sa lalawigan ng Negros Oriental.
Kabilang sa kanilang paglabag ay ang pagcommit ng terorismo, pagpaplano, pagsasanay, paghahanda at pagtulong sa paggawa ng terorismo, pagrecruit sa teroristang organisasyon at pagbibigay ng materyal na suporta sa mga terorista.
Ti-nag din ang kongresista bilang utak umano sa likod ng pagpatay kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 9 na iba pang nadamay sa karumal dumal na Pamplona massacre noong Marso 4.