-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Hinikayat ni Municipal Agriculturist Tessie Nidoy ang mga magbababoy sa bayan ng Kabacan Cotabato na simulan na ang pagsasaayos ng kanilang mga kulungan ng baboy.

Ito’y kasabay sa isang planong muling buhayin ang pagbababoy sa bayan.

Matatandaang hindi nakaligtas ang bayan sa African Swine Fever na kung saan abot sa mahigit walong daang baboy ang natamaan at abot sa mahigit isang daang magbababoy ang naapektuhan.

Dagdag pa ni Nidoy, batay sa isang executive order ni Kabacan Mayor Evangeline Pascua-Guzman inaatasan ang mga magbababoy na simulang ipaubos na ang mga alagang baboy upang makapagsimula na ang bayan sa recovery stage o repopulation.

Sa ngayon ay mariing ipinagbabawal parin ang pagsisimula sa pag-aalaga ng baboy sa bayan.

Paliwanag ni MAO-Veterinarian I Dr. Louise Mosquera, ang pagpapaubos ng mga alagang baboy ay makakatulong upang maging malinis ang bayan sa nasabing sakit.

Dagdag pa nito, nagsimula na rin ang kanilang tanggapan na mamahagi ng Biosecurity Level 1 checklist forms sa barangay ng Katidtuan at Malamote, at isusunod ang mga barangay ng Malanduague, Dagupan, Osias, Lower Paatan, Upper Paatan, Bangilan, at Cuyapon.

Ang mga nasabing lugar ang lubhang naapektuhan ng African Swine Fever.

Ilan sa mga impormasyong kailangang ma-comply ng swine farmer ay ang lokasyon ng kulungan ng mga alagang baboy; maayos na bakuran, septink tank para sa dumi ng alagang baboy, concrete flooring, malayo sa ilog o ano mang uri ng tubig, at iba pa.

Paglilinaw ni Mayor Gelyn na ang mga checklist ay para din sa mga nais mag-alaga ng baboy at hindi lamang para sa mga naapektuhan ng naturang sakit.