BACOLOD CITY – Ikinalulungkot ng alkalde ng Kabankalan City, Negros Occidental ang pagpanaw ng assistant city engineer ng lungsod dahil sa kumplikasyon ng coronavirus disease.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Pedro Zayco, pumanaw ang 48-anyos na assistant city engineer nitong Linggo, Nobyembre 15.
Ang engineer aniya ay huling nagreport sa trabaho nitong Nobyembre 6 at nagfile ng isang linggong leave matapos makaranas ng ubo at nilagnat.
Nagpaconfine sa pagamutan sa Bacolod ang engineer ngunit binawian ito ng buhay nitong Linggo.
Ayon sa alkalde, ini-lockdown na ang buong City Engineer’s Office para sa disinfection.
Aminado ang alkalde na ang nabanggit na empleyado ay diabetic at asthmatic at posibleng nagkaroon ng kumplikasyon dahil sa coronavirus kaya’t binawian ng buhay.
Hindi naman isinasantabi ng alkalde na nahawaan ng virus ang engineer mula sa isang barangay na kanyang nabisitahan dahil bilang isang engineer, exposed ito sa maraming tao sa field.