BOMBO BACOLOD– Aminado ang assistant ni Coach Freddie Roach na maaaring frustrated na rin si Senator Manny Pacquiao sa mga nangyayaring karahasan laban sa mga Asian-Americans kaya’t hinamon nito ang mga suspek na siya ang kalabanin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Marvin Somodio mula sa Los Angeles, California, naniniwala itong maaaring nasasaktan na rin ang Pinoy ring icon sa mga nangyayari sa mga kapwa Asyano na sinasaktan ng mga Americano na naniniwalang Chinese ang nagpakalat ng coronavirus.
Nabatid na isang 65-anyos na Pinay ang sinuntok at sinipa sa harap ng New York City apartment complex at naaresto na rin ang suspek.
Ayon kay Somodio, maraming mga Pinoy ang nabiktima ng anti-Asian hate crimes ngunit piniling hindi magsumbong sa mga otoridad.
Maging siya ay nabiktima na rin kung saan nilapitan ito ng isang American habang sila ay nasa park at bumuga ito ng tubig.
Ngunit sa halip na gumanti, lumayo nalang umano si Somodio upang hindi lumala ang gulo.
Aniya, iniingatan din nito ang kanyang pangalan at pangalan ni Roach kaya’t hanggang makaiwas ay umiiwas ito lalo na’t mahal din kun magsasampa pa ng kaso.