CENTRAL MINDANAO – Malaking pagbabago sa kanilang buhay ang hatid ng mga assistive devices na ipinamahagi ng city government of Kidapawan sa mga persons with disability (PWD) sa lungsod ng Kidapawan.
Anim na mga PWDs ang unang nabiyayaan ng assistive devices sa ceremonial turn-over na ginanap sa mega tent ng City Hall.
Ito ay kinabibilangan nina James Gabiertan, Angelica Gingco, Athena Zea Nerez, Jason Pacino na pawang nakatanggap ng wheelchairs habang crutches naman ang natanggap nina Eman Abalo at Maribel Renegado.
Nagmula sila sa mga barangay ng Lanao at Sudapin ng lungsod.
Sinabi ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista na may malaking pagbabago na magaganap sa mga PWDs dahil sa tulong ng assistive devices ay magagawa nilang kumilos ng mas maayos at magiging mas aktibo ang kanilang buhay.
Maaari na rin silang makalabas ng kanilang bahay at sumagap ng preskong hangin sa kanilang mga bakuran sa tulong ng naturang mga devices, dagdag pa ng alkalde.
Naniniwala din si Mayor Evangelista na malaki ang magagawa ng mga PWD sa komunidad at kailangan lamang silang suportahan at bigyan ng inspirasyon ganundin ng kakayahang kumilos para maging produktibong indibidwal.
Sina Kidapawan City Councilor Gallen Ray Lonzaga at City Administrator Ludivina Mayormita ang nanguna sa pamamahagi ng nabanggit na mga devices kasama sina Acting City Social Welfare and Development Officer Amee Espinosa at PWD Federation of Kidapawan City President Razul Kamsagay kasama si provincial PWD Federation President Leticia Marcos.
Sa kabuuan ay mayroong 30 wheelchairs, 9 crutches, 6 canes, at 15 hearing aids ang ipinamahagi ng city government of Kidapawan para sa abot sa 60 na mga PWDs at ihahatid ito mismo ng CSWDO sa tahanan ng mga recipients na naman matatagpuan sa mga barangay ng Junction, Macebolig, Nuangan, Manongol, Perez, Ilomavis, Ginatilan, kasama na ang Sumbac, Kaisan, Singao, San Isidro, at Poblacion.