MANILA – Aprubado na rin sa level ng Single Joint Research Ethics Board (SJREB) ang clinical trial application ng tatlong kompanya na nag-develop ng COVID-19 vaccines, ayon sa Department of Health (DOH).
Kinumpirma ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na nabigyan na ng clearance ang aplikasyon ng Janssen Pharmaceutical at AstraZeneca na mula Europe; at Clover Biopharmeuticals ng China, matapos dumaan sa evaluation ng SJREB.
“Inaantay na lang natin lahat na matapos ang evaluation nila, but for now we already have two vaccines na nagkaroon ng positive recommendations from vaccine expert panel, at may tatlong bakuna na naka-apruba na ng ethics review board,” ani Vergeire sa isang media forum.
Una nang naaprubahan ng Department of Science and Technology (DOST) vaccine expert panel ang aplikasyon ng Clover. Ibig sabihin umusad na sa Food and Drug Administration ang kanilang aplikasyon sa Food and Drug Administration.
Ang bakunang gawa rin ng Chinese firm na Sinovac Biotech ang isa pang tinukoy ni Usec. Vergeire na pumasa na sa VEP at naghihintay pa ng approval mula sa ethics review board.
Ipinaliwanag ng Health spokesperson na dapat aprubado muna sa parehong level ang mga aplikasyon bago ipasa sa FDA, na siyang magbibigay ng huling hatol kung dapat payagan ang bakuna na mapag-aralan sa mga Pilipino.
“Parallel ang pag-aaral (ng vaccine expert panel at ethics review board), kung hindi pa papasa sa kahit isa, hindi pa makakapasok sa FDA process. Kailangan aprubado (ng dalawa) bago makapasok sa FDA. Although (FDA) are gathering initial information about these five vaccines para nauumpisahan na rin nila yung documentary evaluation.”
Samantala, kinumpirma rin ni Usec. Vergeire na nagpasa na ng confidentiality data agreement ang American companies na Pfizer at Moderna.
“Yung sa Moderna nagkaroon tayo ng pagbabalik ng CDA ng DOST because mayroon tayong comments and we are awaiting for their response on this.”
“For Pfizer nakapagpirma na ang DOST through the Philippine Council for Health Research and Development ng CDA at pinadala na natin sa Pfizer ang CDA na ito for their consideration.”
Magugunitang lumagda ang private sector at pamahalaan ng kasunduan kamakailan para makapag-angkat ng higit 2.5-billion dose ng AstraZeneca vaccines sa susunod na taon. Ginawa ang paglagda ng tripartite agreement matapos bigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng kapangyarihan ang FDA para sa emergency use authorization.