MANILA – Ginawaran na rin ng Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) ang coronavirus vaccine ng British pharmaceutical company na AstraZeneca.
“After a thorough review of the currently available data by our medical and regulatory experts, the FDA is granting an emergency use authorization to the COVID-19 vaccine (of) AstraZeneca,” ani director general Eric Domingo.
“All conditions for an EUA are present… and that the benefit of using the vaccine outweighs the known and potential risks.”
Nitong buwan nang aprubahan ng FDA ang emergency use application ng bakuna na bunga ng partnership ng Pfizer ng Estados Unidos at BioNTech ng Germany.
Ayon kay Domingo, lumabas sa interim data na may efficacy rate ang bakuna ng AstraZeneca na 70% sa mga nabigyan ng unang dose.
Pero maaari pa raw magbago ang datos na dahil nagpapatuloy pa Phase III clinical trial ng AstraZeneca vaccines sa ibang bansa.
Nakasaad din ang impormasyon na “very mild” ang adverse effect ng British-made vaccine, tulad ng pananakit sa injection site o bahagi ng katawan na tinurukan at pagkahilo, na mga normal na side effect.
Sa ilalim ng iginawad na EUA, mga indibidwal na may edad 18-years old pataas ang pwedeng turukan ng AstraZeneca vaccine. Mas mataas age group na ito kumpara sa protocol sa Pfizer vaccine na dapat 16-years old pataas.
Bukod dito, praktikal din daw na magamit ang bakuna ng UK-based company na hindi kritikal ang cold storage requirement nito na pwedeng iimbak sa freezers na may 2 to 8-degree celsius na temperatura.
Nilinaw lang ni Domingo na hindi go signal ang EUA para bilhin at ibenta sa publiko ang bakuna ng AstraZeneca.
“The EUA is not a marketing authorization, not a certificate of product registration. Therefore, the EUA cannot be use as an authorization to market the vaccine commercially.”