Inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang European Union na hino-hostage umano ang mga COVID-19 vaccines na gawa ng British company na AstraZeneca.
Pahayag ito ng Pangulong Duterte kasunod ng mga ulat na nagpatupad ng bagong mekanismo ang EU kung saan pinapayagan ang kanilang mga member-countries na i-monitor at harangin ang pag-angkat ng COVID-19 vaccines sa gitna na rin ng gusot nito sa naturang kompanya dahil sa pag-deliver ng mga bakuna.
Sa kanyang weekly public adress, umapela ang Pangulong Duterte sa publiko na magtiwala sa gobyerno na ginagawa ang lahat upang makakuha ng COVID-19 vaccines.
“Nabubuhay pa naman tayo, let us just hope for the best. The problem is the bakuna,” wika ng Pangulong Duterte.
“For all of the brouhaha–Saan? Eh, yung AstraZeneca hinostage ng European Union,” dagdag nito.
Umaasa rin ang Presidente na balang araw ay magiging pantay ang ASEAN at ang EU.
“Sana itong [ASEAN], one day, maybe one day, magkakaroon din tayo ng panahon to shine,” anang Pangulo.
“Our time will shine someday. Yung ASEAN, it is not that powerful to have a clout sa mga ganitong ginagawa ngayon. Wala nga, eh. Walang supply.”
Noong nakalipas na linggo nang ilunsad ng European Commission ang bagong mekanismo na nagpapahintuloy sa mga bansa na ipatigil ang COVID-19 vaccine exports.
Nababahala kasi ang EU hinggil sa pagpapadala ng mga vaccine doses sa ibayong dagat bago pa man matapos ng mga kompanya ang kanilang obligasyon sa rehiyon.