-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nakalikom na ng libu-libong pirma mula sa iba’t-ibang lahi ang anti-asylum petition na inihain ng isang grupo ng Dutch citizens laban kay dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque na mag-ilang linggo nang nanatili sa bansang Netherlands.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ng isang Pinoy na kasalukuyan ng Dutch citizen na si Joel Vega na naniwala kasi sila na hindi karapat-dapat bigyan ng Dutch Immigration ng pabor ang petisyon ni Roque upang takasan ang paghahabol ng Kamara laban sa kanya.

Sinabi nito na kahit isa sa limang basehan bago mabigyan ang isang asylum seeker ng pabor ay hindi umano tumugma sa kahilingan ni Roque.

Ito’y sapagkat hindi naman umano totoo na nakaranas ng political prosecution, personal physical abuses at mayroong aktibong banta sa buhay na ikamamatay nito sa sariling bansa.

Ito ang dahilan na mabilis ang paglobo ng mga nalikom nila na mga pirma upang harangin ang kagustuhan ni Roque na mangyayari.

Magugunitang si Roque ay mag-ilang buwan nang hindi nahalagilap ng mga mambabatas na naghahanap sa kanya sa House hearing ukol sa isyu ng illegal POGO operations subalit nabigla ang lahat dahil biglang lumutang ito sa Netherlands kung saan naka-detain si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa crimes against humanity na pending sa International Criminal Court.