-- Advertisements --

Nakatakdang harangin ng gobyerno ng Pilipinas ang inihaing asylum request ni dating Presidential Spokes Atty. Harry Roque sa The Netherlands.

Ayon sa Department of Justice , sa oras na mailabas na ang arrest warrant laban kay Roque para sa kasong human trafficking, mahihirapan na si Roque sa kanyang request na mabigyan ng asylum.

Una nang inihain ng DOJ sa Angeles City Regional Trial Court ang kasong non-bailable qualified human trafficking at regular human trafficking case laban kay Roque kahapon.

Kabilang sa sinampahan ng kaso ay si Cassandra Lie Ong at iba pang indibidwal.

Si Roque ay may partisipasyon umano at abogado ng Whirlwind Corporation at representative rin umano ng Lucky South 99.

Ito ay sinalakay na POGO sa POGO hub sa Porac, Pampanga dahil sa ilegal na operasyon kabilang na ang human trafficking.

Kung maaalala, noong December ng nakalipas na taon ay naghain si Roque ng counter-affidavit mula sa United Arab Emirates kasabay ng paggigiit na hindi siya tumatayong abogado ng Lucky South 99.