Muling ipagpapatuloy ng Supreme Court (SC) ang oral argument sa kontrobersiyal na Anti Terror Act sa Pebrero 9, 2021 dakong alas-2:00 ng hapon.
Sa isinagawang oral argument ngayong hapon, inisa-isang inilatag ng mga petitioners ng Anti-Terror Law ang anila’y mga paglabag sa Konstitusyon na nakapaloob sa nasabing batas.
Sa kanyang opening statement, binanatan ni Albay Rep. Edcel Lagma ang Kongreso at sinabi nitong mayroong “grave abuse of discretion” sa panig ng Kamara nang ipasa nito ang Anti-Terror Law dahil sa aniyang malawakang paglabag sa Konstitusyon ng mga probisyon ng batas.
Binanatan din nito ang Section 29 ng naturang batas at dahil umano sa pagpayag na kailangang maditine ang isang indibidwal kahit wala itong nagawang kasalanan pero pinaghinalaang terorista sa loob ng 24 hours.
Maging ang extended detention na ipag-uutos ng Anti-Terrorism Council na posibleng humantong sa torture para lamang mapaamin ay paglabag daw sa Anti-Terror Act.
Sinabi naman ng human rights lawyer na si Atty. Chel Diokno na pinaparusahan daw ng Anti Terror Act ang pag-exercize sa civil at political rights.
Aniya, wala raw ibang batas na nagbibigay ng kapangyarihan para arestuhin ang sino mang indibidwal na ginagawa lang ang kanyang karapatan base lamang sa subjective opinion o state of mind daw ng law enforcers.
Tinawag naman ni dating Rep. Neri Colmenares ang Anti-Terror law na “constitutionally invalid” dahil sa hindi malinaw ang kahulugan ng “terorismo” dahil sa malawak ang salitang ito na anila’y delikado dahil mismong ang mga otoridad ay hindi nalinawan sa tunay na kahulugan nito.
Dagdag nito, target din umano ng naturang batas ang ilang grupo lalo na ang mga aktibista at masasangkot na ang mga ito sa red-tagging at puwede silang makulong ng tatlong araw na walang judicisl imprimatur.
Tinukoy ni dating Solicitor General Jose Anselmo Cadiz, abogado ng petitioners, ang aniya’y maraming panganib sa publiko ng nilalalaman ng Anti Terrorism Act partikular sa civil liberties.
Maituturing din aniyang “war against the people” o giyera laban sa mamamayan ang nasabing batas.
Ayon naman kay Atty. Evalyn Ursua, mistulang tinapalan ng Implementing Rules and Regulations Anti-Terrorism Act ang mga butas ng Anti-Terror Law.
Binigyang-diin din ni Ursua na labis na nakakabahala ang red-tagging sa mga aktibista at sa mga kritiko ng gobyerno na aniyay hindi malayong matulad sa sinapit ng human rights advocates na sina Atty. Benjamin Ramos at Zara Alvarez.
Inupakan din ni UP constitutional law Atty. Alfredo Molo III ang aniyay kabiguan ng mga may akda ng batas na malinawan ang tunay na kahulugan ng salitang “terorismo.”
Physically present naman sa oral arguments ang lahat ng 15 mahistrado ng Korte Suprema.