KALIBO, Aklan—Pinagkaguluhan at pinag-usapan ang naging photo shoot ng isang graduate student sa lalawigan ng Aklan dahil ataul ang ginamit nitong props bilang background ng kaniyang larawan.
Ipinagmalaki ng nursing graduate ng Aklan State University na si Mike Ranz Navarette mula sa bayan ng Balete, Aklan ang kanilang negosyo na funeral parlor kung saan, ito ang ibinuhay at ipinaaral sa kanilang magkapatid kung kaya’t hindi niya nagdalawang isip na magpadeliver nga ataul sa paaralan at doon nagpalitrato.
Ibinahagi ni Navarette sa Bombo Radyo na hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang kaniyang mga magulang kaya trabaho na may kaugnayan sa mga patay ang kanilang pinasok hanggang sa kalaunan ay nagkaroon ang mga ito ng munting negosyo.
Naging tampulan man ng tukso noong una ngunit hindi ito naging hadlang sa kaniya at ginamit pang inspirasyon sa kaniyang pag-aaral upang maabot ang hangarin na maging nurse.
Pinagkatuwaan na lamang sa unibersidad ang paandar ni Navarette at nagsilbing aral sa lahat na hindi dapat ikahiya ang kahit anumang source of income ng pamilya.