Pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturalization bill na siyang hudyat upang magawaran ng Filipino citizenship ang Ateneo de Manila center na si Angelo Kouame.
Ang 23-anyos at 6-foot-10, 220 lbs na si Kouame ay nagmula sa Ivory Coast at naging bahagi sa dalawa sa three-peat achievement ng Ateneo.
Dahil sa pagiging naturalized Filipino, maari nang maging bahagi ng national basketball team si Kouame.
Todo naman ang pasasalamat ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) President Al Panlilio sa pangulo at sa mga mambabatas na naging daan upang magawaran ng Filipino citizenship ang dayuhan na halos anim na taon na rin sa bansa.
“The SBP extends our appreciation to President Rodrigo Duterte for signing it into law and Executive Secretary Salvador Medialdea and Senator Bong Go for their assistance,” bahagi pa ng anunsiyo ni Panlilio. “We thank our SBP Chairman, Senator Sonny Angara, along with Senators Joel Villanueva and Richard Gordon for filing the bill in the Senate and our Vice Chairman, Congressman Robbie Puno, for authoring the bill in the House of Representatives.”
Si Kouame ay inalagaan ng Ateneo kung saan nabigyan ito ng scholarship para mahikayat na magtungo ng bansa hanggang sa magningning ang kanyang basketball career sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Sa unang taon pa lamang niya noong 2018 sa UAAP ay agad na niyang nasungkit ang Rookie of the Year award.
Naglaro na rin siya sa PBA D-League at naging champion habang tinanghal siyang Most Valuable Player at kasama sa Mythical Five sa Filoil Flying V Preseason Cup noong 2018.
Noon pa man ay hinangad na ni Kouame na malaking karangalan na maging isang Filipino citizen.
“It’s really an honor for me,” ani Kouame. “But if I go with Gilas they have more goals in the future.”
Agad namang binati ni Panlilio si Kouame at tinawag na kabayan. “Kami sa SBP ay naniniwalang ika’y lalaban Para sa Bayan. Maligayang pagbati, Kabayang Ange Kouame!”
Samantala, posibleng isabak na ng SBP si Kouame sa nalalapit na 2021 FIBA Asia Cup qualifiers sa Clark, Pampanga na gaganapin sa June 16-20, 2021, o kaya sa 2023 FIBA Basketball World Cup.