Wala pa ring tatalo sa Ateneo Blue Eagles matapos na idispatsa ang University of the Philippines (UP), 86-64, sa harap ng jampacked crowd sa Mall of Asia Arena sa Pasay City
Dahil dito diretso na kaagad ang Ateneo sa UAAP Season 82 men’s basketball finals.
Makasaysayan ang nagawa ng defending champions dahil nakompleto nila ang 14-game sweep sa elimination round.
Sinasabing ito ang unang pagkakataon na nasungkit ng isang team ang malinis na record na huling nagawa ng University of the East ang pag-sweep sa mga kalaban noon pang Season 70.
Noong panahong ‘yon ang UE Red Warriors ay minalas namang matalo sa finals ng De La Salle Green Archers.
Samantala, kahit man natalo ngayon ang UP tiyak naman na second seed na ito at hawak ang twice-to-beat advantage (9-5 record).
Ang dalawa pang pasok sa semifinals ay maghaharap sa tinatawag na stepladder format upang madetermina kung sino ang makakaharap ng Blue Eagles sa UAAP finals.
Unang magtutuos sa do-or-die game ang FEU at UST sa November 6 at sinuman ang mananalo ay haharapin ang UP.
Muling nanguna sa opensa ng Ateneo si Angelo Kouame na may 20 points, 12 rebounds at five blocks, habang si SJ Belangel mula sa bench ay nagpakita ng 14 points at three rebounds.
Noong unang bahagi ng laro ay nasabayan pa Fighting Maroons ang Blue Eagles pero nag-collapse din sa huli dahil sa maraming sablay na tira at sa kabiguang makontrol ang rebounds.
Nasayang naman ang diskarte ni Kobe Paras para sa UP na nagtapos sa 13 points, 7 rebounds, at two assists.
Samantalang sina Bright Akhuetie at Javi Gomez de Liano ay kapwa merong 11 points.