Target ngayon ng International Olympic Committee (IOC) na mabakunahan kontra COVID-19 ang mga atletang sasabak sa kompetisyon para matuloy nang ligtas ang Tokyo Games sa darating na Hulyo.
Bagama’t ayaw sumingit ng IOC sa listahan nang kung sino ang dapat na maturukan ng COVID-19 vaccines gaya ng mga napapabilang sa vulnerable sector at health care workers, umaasa silang sa lalong madaling panahon ay mabakunahan din ang mga atletang sasabak sa Olympic Games sa Tokyo.
Ito ay sa gitna na rin nang pagkakatuklas sa mga bagong variants ng COVID-19 sa iba’t ibang panig ng mundo, pati na rin ang pagtaas ng kaso sa Japan.
Ayon kay IOC member Dick Pound, ang pagpapabakuna sa mga atleta ang siyang “most realistic way” para matiyak na matuloy nang ligtas ang Tokyo Olympics sa Hulyo.
Hindi naman daw niya nakikita na magkakaroon ng public outcry o pagpuna sakali mang matuloy ang pagbabakuna sa mga atleta.
Sa huli, desisyon pa rin aniya ito ng bawat bansang lalahok sa kompetisyon.
Nauna nang hinimok ni IOC president Thoms Bach ang mga atleta na magpaturok muna ng COVID-19 vaccine bago sumali sa Tokyo 2020 Games pero iginiit na hindi naman ito magiging requirement.