KALIBO, Aklan — Nagpasya ang lokal na pamahalaan ng Kalibo na ipagpaliban muna ang napagpasyahang virtual presentation ng sadsad o merrymaking para kahit papaano ay matuloy pa rin ang taunang pagdiriwang ng Ati-Atihan Festival sa harap ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Kalibo Mayor Emerson Lachica, kahit nag-confirm na ang nasa 23 tribung lalahok, minabuti nilang unahin ang kaligtasan ng mga sasali.
Ang bawat tribu ay kinabibilangan ng 18 miyembro kasama ang mga drummers at dancers.
Maliban dito, medyo may kamahalan aniya ang kondisyon ng Regional Inter Agency Task Force (RIATF) na isailaim muna sa RT-PCR test at 14-day quarantine ang lahat ng mga lalahok bago ang kanilang performance.
Dahil dito, minabuti nilang sundin na panukala ng RIATF na gawing throwback ang selebrasyon sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga video footages at presentations ng mga nagdaang Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival.
Sa kabila nito, tuloy pa rin ang pag-rampa ng mga kandidata sa inaabangang “Search for Miss Kalibo Ati-Atihan” at iba pang aktibidad.