KALIBO, Aklan—Nananatiling buhay at masigla ang pagdiriwang ng mga Aklanon para sa taunang selebrasyon ng Kalibo Sr. Sto. Niño Ati-atihan Festival. Ito ay sa kabila ng patuloy na nararanasang pandemya dala ng COVID-19.
Aminado ang lokal na pamahalaan at mga organizer na malaking hamon sa kanila ang pagdaraos ng mga virtual event sa Ati-atihan.
Ang selebrasyon ngayong araw ng Linggo ay pinangunahan ng Pilgrims mass sa St. John the Baptist Cathedral mula alas-7:00 hanggang alas-8:30 ng umaga kung saan susundan naman ito ng grand procession.
Ito ay pangungunahan ni Kalibo Mayor Emerson Lachica habang ang mga tumutugtog na banda ay inilagay naman sa labas ng simabahan.
Nag-apela naman si Fr. Tudd Belandres, Parish Moderator ng St. John the Baptist Cathedral na pito hanggang sampung drummers lamang ang sumama sa procession maliban nalang kung malaki ang kanilang sasakyan.
Hinihikayat rin ang mga deboto na mahigpit na sumunod sa ipinapatupad na health and safety protocols upang masiguro ang maayos at ligtas na pagdiriwang ng Ati-atihan festival.
Samantala, naglagay naman ng mga physical distancing marker sa sahig ang pamunuan ng simbahan kung saan pwedeng tumayo ang mga gustong magsimba sa labas ng simbahan hanggang sa loob ng Kalibo Pastrana park.
Pinayuahn rin ang mga nakakaramdam ng sintomas ng COVID-19 at hindi pa nabakunahan na manatili muna sa kanilang bahay at maghintay na lamang sa coverage ng Bombo Radyo Kalibo at mga cable TV.
Limitado lamang sa 250 hanggang 300 katao ang pinapayagang pumasok sa Simbahan.
Kaugnay nito, naging matagumpay rin ang pagdaraos ng ilang events katulad ng Ati-atihan Costume, PATIK BATTLE of the ATI ATIHAN BANDS at Miss Kalibo Ati-atihan 2022 kung saan si Nichole Therese Belarmino Buyoc ng Brgy. Mobo, Kalibo ang kinoronahan.