Nabalot ng tensyon ang plenaryo ng Kamara nitong Martes ng hapon matapos na nagkainitan sina Buhay party-list Rep. Lito Atienza at Iloilo Rep. Janette Garin.
Sinita kasi ni Garin si Atienza dahil sa pagpapakalat umano nito ng fake news sa Kamara matapos na bumalik muli sa Pilipinas ang sakit na polio.
Sa kanya kasing privilege speech, pinuna ni Atienza si Garin dahil sa mga naging komento nito sa privilege speech naman kahapon ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy.
Sinabi kasi ni Atienza sa interpellation nito kay Herrera-Dy na kaya umiiwas ang mga magulang sa pagpapabakuna ng kanilang mga anak ng dahil sa nawalan na sila ng tiwala sa vaccination program ng Department of Health (DOH).
Ito ay matapos na bakunahan ng DOH ng tetanus toxiod vaccine ang ilang kababaihan na siyang naging dahilan naman kung bakit nabaog ang mga ito, at ng dahil sa Dengvaxia anti-dengue vaccine noong 2016.
Sinabi ni Atienza na tinawag ni Garin na “fake news” ang kanyang binanggit sa plenaryo nitong Lunes.
Hindi aniya ito patas para sa kanya, at sana raw ay nirespeto na lamang ni Garin ang kanyang opinyon sa usapin.
“But since she branded this as fake news, I am willing to prove this in any forum. Mamili na siya. I will prove that she is wrong, and she is guilty of some wrongdoing in government,” ani Atienza.
“If she proves that I have infected this chamber with fake news, I’m willing to be prosecuted and I’m willing to resign my position. But if I am able to prove in that debate that I am inviting here to join me in, she has to answer to the Dengvaxia deaths and the dengue deaths of our children,” dagdag pa nito.