Iniimbestigahan na ng mga otoridad sa estado ng Atlanta kung may koneksyon sa isa’t isa ang nangyaring pamamaril sa tatlong magkakahiwalay na massage parlors.
Nag-iwan ng walong patay at isang sugatan ang naturang insidente.
Dalawa sa pamamaril ay naganap sa magkatapat na spa sa Northeast Atlanta habang ang isa naman ay sa Cherokee County na matatagpuan sa Hilagang-Kanluran ng Atlanta.
Nahuli kaagad ng mga pulis ang suspek sa pamamaril sa Cherokee County dakong alas-8:30 ng umaga, oras sa Pilipinas.
Kinilala ang suspek bilang si Robert Aaron Long, 21-anyos, at naninirahan sa Woodstock. Georgia.
Nakatanggap ng tawag ang mga pulis upang magtungo sa Young’s Asian Massage malapit sa Acworth, Georgia dahil sa naganap na pamamaril.
Dito ay natagpuan ng mga otoridad ang limang katao na nagtamo ng tama ng bala, dalawa ang namatay, tatlo ang dinala sa ospital subalit dalawa sa mga ito ang dead on arrival.
May layong 30 miles ang nasabing massage parlor mula sa site ng Atlanta shooting na nangyari naman matapos ang isang oras.
Ayon sa Atlanta police, rumesponde sila sa isang robbery call sa Gold Massage Spa sa Piedmont Road sa Atlanta at dito ay tumambad sa kanila ang katawan ng tatlong patay na biktima.
Habang iniinspeksyon ng mga pulis ang crime scene ay muli silang nakatanggap ng tawag dahil may nagpaputok ng baril sa Aroma Therapy Spa kung saan isa naman ang namatay.
Apat sa mga biktima ay puro Asian na babae.
Nangyari ang pag-atake sa kasagsagan nang pagsipa ng anti-Asian-American hate crimes sa buong Estados Unidos.