CEBU CITY – Hindi man pinalad sa nakaraang edisyon ng Palarong Pambansa, puno naman ng tuwa at saya si Ace Francis Bacongallo ng Bayawan City Negros Oriental matapos makasungkit ito ng gintong medalya sa Triple Jump athletics event kahapon, Hulyo 12, sa Cebu City Sports Center.
Sa panayam ng Star Fm Cebu kay Bacongallo, ibinahagi nito na halos kalahating taon umano nila itong pinaghahandaan at nag-eensayo sa parehong bundok at dagat sa kanilang lugar upang mapataas pa ang pagtalon.
Malaki naman ang pasasalamat ng 13 anyos sa coach nito, sa pamilya na sumama pa talaga sa kanya sa Cebu, at maging ang mga tagasuporta.
Maliban sa gintong medalya, nasungkit din ni Bacongallo ang bronze medal sa long jump.
Samantala, inilarawan naman ni coach/trainer Arnold Gotladera si Ace bilang isang masunuring atleta, puno ng determinasyon, at hindi tumatanggap ng pagkatalo.
Sinabi pa ni coach Gotladera na target na umano nilang makuha ang gold bago para bigyang parangal ang pamilya ni Ace, mga taga Bayawan City at maging ang Region 7.
Umaasa naman itong madagdagan pa ng mga gintong medalya ang rehiyon at tiwalang mangunguna sa medal tally.
Sa panig naman ni head coach Remedios Bulac, sinabi nitong may mga laro pa sila sa mga susunod na araw kaya naman umaasa itong makakakuha pa ang team ng gintong medalya para naman madagdagan pa ang medal ng rehiyon na makakatulong sa tally.