Pumalo na sa 20 mga atleta ng bansa ang sasabak ilang linggo bago ang pagsisimula ng Paris Olympics.
Ayon kay Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino na nadagdag ang mga swimmers na sina Kayla Sanchez at Jarold Hatch, kasama rito ang judoka na si Kiyomi Watanabe at mga babaeng golfers na sina Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina.
Si Hatch ay nag-qualify sa men’s 100 meter butterfly habang si Sanchez na dating Canadian ay nagpalit na nationality noong 2021 sa pagka-Filipino ay sasabak sa women’s 100 meter freestyle.
Habang si Watanabe ay pangalawa na nitong sasabak sa Olympics matapos na makapasok sa continental qualification sa women’s 63 kgs.
Ganun din si Pagdanganan na pangalawang Olympics game na nito habang first timer lamang si Ardina.
Dagdag pa nito na isang magandang balita na nahigitan na ng bansa ang delegado na ipinadala noong nakaraang Tokyo Olympics na mayroong 19 lamang.
Hindi pa rin ito nawawalan ng pag-asa na may madadagdag pa ng mga atleta habang papalapit na ang torneo.
Isa sa hinihintay nila ang makakasama ni world number 2 pole vaulter Ernest John Obiena sa Paris dahil nagkakaroon pa ng qualifying.
Magugunitang nauna ng nag-qualify sina weightlifters Vanessa Sarno, John Febuar Ceniza at Elreen Ando; boxers Aira Villegas, Hergie Bacyadan, Carlo Paalam, Nesthy Petecio at Eumir Felix Marcial; rower Joanie Delgaco; fencer Samantha Catantan; at gymnasts Carlos Yulo, Emma Malabuyo at Levi Ruivivar.
Nasa Metz, France na ang ilang atleta ng bansa para magsagawa ng training ilang linggo bago ang pagsisimula ng Olympics.