LAOAG CITY – Patay ang isang middle to long running event athlete na Grade 11 student matapos madaganan ng soccer goal post dito sa lungsod ng Laoag, Ilocos Norte.
Nakilala ito na si Nash Dela Cruz, 16 anyos at residente sa Barangay Caaoacan sa nasabing lungsod.
Batay sa pakikipanayam ng Bombo Radyo Laoag kay Mrs. Genesa Dela Cruz, ina ng biktima, nakatanggap sila ng tawag mula sa coach ng kanilang anak na sinabi nito sa kanya na naitakbo sa Laoag City General Hospital ang kanilang anak.
Aniya, sa una ang pagkakaalam nilang mag-asawa ay nagtamo lamang ng sugat ang kanilang anak habang isinasagawa ang kanilang pagsasanay para sa Region 1 Athletic Association ngunit pagdating nila sa ospital ay umiiyak ang coach at dito na nila nalaman na wala nang buhay ang kanilang anak.
Ayon naman sa coach na si Mr. Renato Unso, katatapos lamang ng warm up ng mga atleta kabilang na dito ang biktima nang makita nila na pumunta ito sa soccer goal post at maglambitin siya.
Dahil dito, natumba at nadanagan ang estudyante ng soccer goal post na tallo hanggang apat na pulgada ang lapad nito.
Kaugnay nito, tiniyak ni Ms. Jennifer Alejandro, Information Officer ng Department of Education sa lungsod ng Laoag na mas hihigpitan pa nila ang pagpapatupad ng safety measures habang nageensayo ang mga atleta.
Samantala, ipinangako ni Mayor Michael Marcos Keon na siya ang magsasagot lahat ng gastusin hanggang mailibing ang nasabing estudyante.